Ito ang reaksiyon ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye sa privilege speech ni Sen. Panfilo Lacson kahapon na nag-aakusa kay First Gentleman Mike Arroyo na nagkamal umano ng P321 milyon sa pangangalap ng campaign funds.
Kasabay nito, hinamon ni Mr. Arroyo si Lacson na ipagharap siya ng kaukulang demanda hinggil sa sinasabi niyang katiwalian at handa siyang makipagsabayan sa kanya sa anumang korte para patunayan na mali ang kanyang mga paratang na ginawa nito sa kanyang privilege speech.
Ang hamon ay ginawa ni Arroyo sa pamamagitan ng kanyang spokesperson na si Atty. Patricia Bunye.
Sinabi ni Bunye na ang akusasyon ni Lacson laban sa First Gentleman ay itinuturing nitong isang taktika para huwag maipalabas at talakayin sa Senado ang committee report hinggil sa drug trafficking, "money laundering" at iba pa na kinasasangkutan nito.
Umiiwas lamang umano si Lacson sa mga kasong kinakaharap niya at ginagamit ang Senado upang gumawa ng side issue na pag-uusapan ng taumbayan at makaligtaan ng mamamayan ang mga kasong krimen na iniuugnay sa kanya katulad ng Kuratong Baleleng case na malapit nang madesisyunan ng Supreme Court.
Hiniling ni Lacson na imbestigahan ng senate blue ribbon committee at Senate committee on constitutional amendments, revision of laws and codes ang kanyang ginawang pagbubunyag partikular ang paglabag sa anti-money laundering law ni Mr. Arroyo.
Sinabi naman ni Mr. Arroyo na handa siyang humarap sa Senado para sagutin ang akusasyon ni Lacson kung ito ay sisiyasatin ng kapulungan. (Ulat nina Lilia Tolentino at Rudy Andal)