Ayon kay UP Prof. Carolina Hernandez, miyembro ng komisyong itinatag para siyasatin ang nabigong kudeta, personal siyang naniniwala na higit na magkakaroon ng malinaw na paghimay sa bintang na arogante ang Pangulo at sa isyu ng nabigong kudeta kung iimbitahan si Pangulong Arroyo sa isinasagawa nilang pagdinig.
Ang panukalang ito ay sinabi ni Hernandez sa isang panayam kahapon sa programang Comporme y Contra sa DWIZ.
Naniniwala si Hernandez na bibigyang konsiderasyon ng Pangulo ang mungkahing ito dahil maging noong panahon ni dating Pangulong Cory Aquino, humarap ito sa Davide Commission para magbigay linaw sa mga isyung may kinalaman sa mga inilunsad na kudeta sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Tumanggi nang humarap para tumestigo sa harap ng komisyon ang mga junior officers dahil bias umano ang mga abogado ng pamahalaan.
Nilinaw ni Hernandez na puwedeng ipatawag ng komisyon sa muling pagtestigo ang mga junior officers na mga lider ng grupong Magdalo upang makaharap ng mga ito ang Pangulo.
Matatandaang inakusahan ang Pangulo ni Navy Lt. Senior Grade Antonio Trillanes ng pagiging arogante ng makausap niya ito sa Malacañang, isang linggo bago naganap ang kudeta noong Hulyo 27, at magharap siya ng mga reklamo ng mga sundalo hinggil sa nagaganap umanong katiwalian sa militar.
Subalit sa halip umanong pakinggan siya ng Pangulo ay inutos nito na ikulong siya at iparada sa media.
Ang akusasyon ni Trillanes ay mariing pinabulaanan ng Palasyo dahil isang oras at kalahati umanong kinausap ng Pangulo si Trillanes. (Ulat ni Lilia Tolentino)