Ito umano ang galit na inutos ni Pangulong Arroyo na gawin kay Navy Lt/Senior Grade Antonio Trillanes matapos magpulong ang dalawa noong nakaraang Hulyo 13.
Sa kanyang unang pagharap sa pangalawang araw na pagdinig ng Feliciano Commission na ginanap sa Camp Aguinaldo kahapon, sinabi ni Trillanes na nagtungo siya sa Palasyo matapos malaman sa kanyang mistah na si Lt/SG Mark Magdangal na junior aide ng Pangulo, na isa siya sa mga pinaghihinalaang lider ng destabilization plot laban sa pamahalaan.
Sa kanyang pakikipag-usap sa Pangulo ay ipinarating umano niya ang kabulukan ng sistema sa militar at talamak na pangungurakot sa AFP at ipinakita rin ang research paper niya tungkol dito.
Subalit sa halip na pakinggan at ipag-utos ang imbestigasyon ay pinagalitan umano siya ng Pangulo at sinundo siya kaagad ni Navy Flag-officer-in-command Vice Admiral Ernesto de Leon na ipinatawag ng nairitang Pangulo kung saan ipinakulong siya ng isang linggo sa Naval Station sa Fort Bonifacio.
Sa halip, sinabi ni Trillanes na ang naturang mga akusasyon ay ibinase lamang ng Magdalo sa nakuha nilang zerox copy ng Oplan Greenbase, ang dalawang pahinang dokumento na nagsasaad ng plano ng gobyerno na magsagawa ng serye ng pambobombasa Metro Manila at Mindanao upang mabigyang daan ang pagdedeklara ng Martial Law.
Ang Oplan Greenbase ay isa sa mga dokumento na nagbigay ng inspirasyon sa Magdalo para mag-aklas at hilingin ang pagbibitiw sa posisyon ng mga opisyal ng pamahalaan.
Inihayag rin ni Trillanes na walang sinumang maimpluwensiyang indibidwal ang nag-utos sa kanila sa nangyaring mutiny kaya di ito dapat haluan ng pulitika dahil ang kanilang aksiyon ay sariling desisyon ng grupo upang iparating sa sambayanang Pilipino ang kanilang sentimiyento at mga karaingan hinggil sa bulok na sistemang umiiral sa gobyerno at mga katiwalian sa AFP.
Hindi rin umano nila balak iluklok si Honasan, si dating Pangulong Estrada o ang sinuman sa mga opisyal ng Magdalo group kung nagtagumpay ang mutiny.
Nang matanong naman ni Atty. Ongkiko na kung sakaling natagumpay ang mutiny ay iluluklok ba nila si Vice President Teofisto Guingona, sinagot ito ni Trillanes na posible umano.
Sa pagharap sa Feliciano Commission, sinabi ni Trilanes na ipinarating sa kanya ng kanyang mga kasamahang sundalo na tinaniman nila ng acoustic materials" ang palibot ng hotel para sa kanilang depensa.
Gayuman, nang pigain ng mga abogado ng pamahalaan ay lumilitaw na hindi nakasisiguro si Trillanes na hindi nga makapipinsala ang nasabing mga "booby traps" at inosente ito sa C4 explosives at iba pang uri ng pampasabog.
Tinukoy ni Maestrecampo ang 15 kaso na walang magamit na mga Huey helicopters para ma-airlift patungong pagamutan ang mga sugatang sundalo mula sa kanyang units sa Sulu dahil gamit ito ng magigiting nilang mga heneral.
Kulang na kulang rin umano ang mga sundalo sa mga modernong kagamitan sa komunikasyon na siyang sanhi kung bakit nadidiskaril ang kanilang mga operasyon laban sa mga rebeldeng Muslim habang ang mga opisyal umano ng AFP ay magagara ang mga sasakyan.(Ulat ni Joy Cantos)