Kinilala ni BOC-NAIA District Collector Celso Templo ang tinaguriang "Honest Customs Guard" na si Joselito Samson, ng Aircraft Operations Division na pinamumunuan ni Collector Willie Jurado at nakatalaga sa boarding gate ng NAIA Terminal 1.
Walang pasidlan ng kagalakan si Seong Youn-Yoo, 41-anyos na Koreanong pasahero nang muling maibalik ang nawalang wallet nito na naglalaman ng ibat ibang denominasyon ng salapi na binubuo ng $2,900; 197,000 Korean won; 20,000 yen at anim na credit cards.
Ayon kay Youn-Yoo, dahilan na rin sa pagmamadaling makababa sa eroplano ay hindi nito namalayan na naiwanan nito sa loob ng Korean Airlines flight KE-621 ang kanyang pitaka makaraang lumapag sa NAIA dakong alas-11 ng umaga.
Sinabi naman si Samson na kanyang nakita ang pitaka habang nagsasagawa ng inspeksyon sa loob ng eroplano kaya agad nitong ipinagbigay-alam sa kanyang nakatataas na opisyal na nagbigay naman ng aknowledgement receipt batay sa isinagawang imbentaryo ng mga salapi at mahahalagang bagay na nilalaman ng wallet.
Matapos na magpasalamat ang dayuhan kay Samson , nangako na gagawa ito ng liham kay Templo para kilalanin ang kabayaning ginawa nito bilang Customs Guard. (Ulat ni Butch Quejada)