Sinabi ni Roxas na ang awtomatikong price control na saklaw ng idineklarang state of rebellion ay ang halaga ng basic commodities tulad ng bigas, asukal, gatas, karne at iba pa na sakop ng Price Consumers Act.
Ang gasolina at iba pang produktong petrolyo bagaman anya basic needs ay hindi saklaw ng nabanggit na batas at ang presyo nito ay sakop ng Oil Deregulation Law.
Wika ni Roxas, hindi saklaw ng DTI ang pamantayan sa presyo ng langis kundi ang Energy Regulatory Board.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Roxas kasunod ng naging desisyon ng tatlong malalaking kumpanya ng langis na kinabibilangan ng Caltex, Shell at Petron na magtaas na rin ng presyo ng gasolina at diesel sa bawat litro nito matapos maunang magtaas ang Eastern,Total at Flying V.
Ayon kay Roxas, puspusang nagsasagawa ng monitoring ang DTI sa presyo ng pangunahing bilihin at ang kanyang obserbasyon ay nananatili namang matatag ang presyo ng mga ito sa kabila ng naganap na Oakwood mutiny. (Ulat ni Lilia Tolentino)