Sinabi ni Sen. Osmeña, isang contact niya mula sa Lanao ang nagbunyag na "pinatay" si Edris at kasama nitong si Mahmood Esmael na kumander ng MILF noong Huwebes sa Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte.
"May Lanao contacts suspected that Edris had been under custody for some time and the supposed arrest last Thursday was a sham," wika pa ng senador.
Iginiit ni Osmeña na hindi siya makapaniwala sa mga lumang linya ng militar na matapos maaresto si Edris sa isang military checkpoint ay nagawa nitong mang-agaw ng baril sa kanyang military escorts habang papunta umano sila sa hideout ni Al-Ghozi at isa pang kasamang pumuga na si ASG bomb expert Merang Abante.
"No fugitive especially a high profile like Edris would recklessly pass through a military checkpoint," wika pa ni Osmeña.
May patong na P3 milyon sa ulo si Edris matapos itong tumakas noong Hulyo 14 kasama sina Al-Ghozi at Abante.
Inamin naman ni Osmeña na mahihirapan nang patunayan ng kanyang Lanao contacts ang mga ibinunyag nito matapos tuluyang "patahimikin" si Edris. (Ulat ni Rudy Andal)