Dahil ito ang kauna-unahang pagharap ng grupo ni Lt/SG Antonio Trillanes sa Congressional inquiry, sinabi ni Legarda na dapat isapubliko ang pagdinig nito puwera na lamang kung sesertipikahan ni Pangulong Arroyo na mayroong national security threat at gawin ito sa pamamagitan ng executive session.
Wika pa ni Legarda, sinigurado ni Senate President Franklin Drilon na ang subpoena sa mga junior officers na namuno ng nabigong mutiny na kasalukuyang nasa pangangalaga ng ISAFP ay makakarating sa unang pagkakataon sa senate inquiry.
Magugunita na hindi pinayagan ng AFP leadership na dumalo sa pagdinig ng Kamara at Senado ang mga junior officers dahil mayroon umanong security threat sa mga ito.
Iginiit naman ni Sen. Aquilino Pimentel na maraming paraan upang madala ng AFP ang mga junior officers sa Senado upang dumalo sa pagdinig ukol sa nabigong mutiny.
Ani Pimentel, puwedeng isakay ang mga ito sa isang armored vehicle, suotan ng bullet proof vest at helmet para masiguro ang seguridad ng mga ito habang dinadala sa Senado. (Ulat ni Rudy Andal)