2 senador sa 15-man junta pangalanan - Sotto

Hinamon kahapon ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III ang Malacañang na pangalanan ang sinasabi nitong dalawang Senador na inalok sa 15-man junta kung sakaling nagtagumpay ang mutiny ng mga junior officers ng Magdalo group noong Hulyo 27 sa Makati City.

Sinabi ni Sotto, posibleng imbento lamang ang balitang pinalulutang ng Palasyo at AFP na may dalawang Senador at tatlong Kongresista na inalok na maupo sa 15-man National Recovery Council o junta, upang guluhin ang ginagawang imbestigasyon ng Kamara at Senado ukol sa ginawang pag-aaklas ng mga AFP junior officers.

Ayon pa kay Sotto, ang hakbang ng anim na Senador na itigil ang imbestigasyon ng Senado ukol sa nabigong mutiny ay pamamaraan ng Malacañang upang magkaroon ng media blackout sa isyu.

Aniya posibleng inutusan lamang ang anim na Senador na naghaing itigil pansamantala ang imbestigasyon ng Senado upang hindi na sumambulat ang ‘baho’ ng AFP na naging dahilan ng pag-aaklas ng mga junior officers sa pamumuno ni Lt. SG Antonio Trillanes. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments