Gringo nag-'underground' na

Malaki ang posibilidad na hindi na makitang muli si Senator Gregorio "Gringo" Honasan dahil muli itong nag-"underground" o nagrebelde matapos lumutang ang balitang ilalabas na ang warrant of arrest laban sa kanya.

Ito ang sinabi kahapon ni Biliran Rep. Gerardo Espina base na rin sa narinig niya mula kay dating Sen. Ernesto Maceda sa birthday party ng socialite na si Baby Arenas sa Hotel-Intercon kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Rep. Espina, seryoso si Maceda nang sabihin nito na muling nag-"underground" si Honasan at nagbilin pa ito sa dating senador na bantayan ang kanyang pamilya.

Sinabi pa ni Espina na masyadong nakakaalarma ang nasabing impormasyon dahil na rin sa military background ni Honasan at malawak na network nito kaya hindi nahuli ng unang magrebelde sa gobyerno noong panahon ni dating Pangulong Cory Aquino.

Inamin naman ni Maceda sa isang panayam sa radyo na nakausap niya si Honasan noong nakaraang Martes at Miyerkules at totoong ibinilin sa kanya ng huli ang pamilya nito.

"Sabi niya, bantayan ang pamilya niya, pero hindi naman ibig sabihin nagrerebelde na siya sa gobyerno," ani Maceda.

Ayon pa kay Maceda, may radio program sila ni Honasan at tinawagan niya ang senador nang hindi ito makarating sa kanilang programa nito lamang linggong ito.

Sinabi umano ni Honasan sa kanya na magtatago siya kung magpapalabas ng warrant of arrest ang korte.

Magugunitang muling idiniin ni Interior and Local Government Sec. Joey Lina si Honasan sa isinagawang pagdinig ng House committee on national defense na nasa likod nang tangkang pagpapatalsik kay Pangulong Arroyo sa puwesto.

Sinabi pa ni Lina na isusulong niya ang kaso laban kay Honasan dahil may matibay silang ebidensiya laban sa senador.

Pinanindigan ni Lina sa pagharap niya sa "committee as a whole" sa Senado na may kinalaman si Honasan sa inilunsad na mutiny ng junior officers ng AFP dahil ang pinamumunuan nitong Guardians Brotherhood ay naroroon upang suportahan ang mga nag-aaklas na sundalo.

Napigilan lamang ng mga pulis ang tangkang pagpapasok ng pagkain ng Guardians sa Oakwood.

Ayon naman kay Sen. Franklin Drilon, ang hindi pagdalo ni Honasan sa mga sesyon ay hindi maituturing na "pagtatago" kundi nag-iingat lamang ito para sa kanyang seguridad. (Ulat nina Malou R. Escudero,Grace dela Cruz at Rudy Andal)

Show comments