Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Narciso Abaya, hindi nila ipinagwawalang bahala na may mga "unaccounted" pang opisyal at miyembro ng Magdalo Group na nagsipag-aklas nitong nakalipas na Hulyo 27.
Naniniwala siya sa pahayag ni Navy Lt. Senior Grade Antonio Trillanes na mayroon pa silang mga kasamahang patuloy na nakakagala at nasa aktibong serbisyo militar.
Hanggat hindi umano natatagpuan ang mga mistah nina Trillanes na kasama sa pagpaplano at pagsasagawa ng tangkang pagpapabagsak sa gobyerno ay nananatili ang banta sa seguridad.
Kabilang sa mga pinaghahanap si Lt/SG Antonio Santiago na sangkot naman sa bigong pagsalakay sa armory ng Navy Sea Systems Command (NASCOM) sa Sangley Point, Cavite noong Sabado ng hapon o bago maganap ang Makati siege.
Ayon kay Abaya, kailangan ang ibayong pag-iingat bunsod na rin ng pagbabanta ni Trillanes sa isang radio interview bago ito ilipat kasama ang iba pang lider ng Magdalo Group sa kustodya ng ISAFP na makakaya pa nilang maglunsad ng panibagong pag-aaklas dahil mayroon pa silang mga kasamahan na hindi kasama sa pinabalik sa barracks.
Kasama ni Trillanes sa mga nasa kustodya ng ISAFP sina Navy Lt/SG James Layug; Marine Capt. Garry Alejano; Army Captains Gerardo Gambala at Milo Maestrecampo. (Ulat ni Joy Cantos)