Ito ang mensaheng ipinarating kahapon ni Pangulong Arroyo sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA).
Inamin ni Arroyo na ang pinakamahigpit na pagsubok ngayon ng gobyerno ay ang kampanya laban sa droga dahil mahigit sa 1 milyong Pilipino na ang nalululong sa ipinagbabawal na gamot.
Nangako si Arroyo na pipilayan niya ang operasyon ng mga drug lords at ng kanilang mga padrino.
Ipinagmalaki ni Arroyo na simula nang ilunsad niya ang kampanya laban sa illegal na droga ay umabot na sa P5 bilyon ang nakumpiskang illegal drugs at nakahuli ang gobyerno na nasa 14,000 drug pushers.
Ipinagmalaki rin ng Pangulo na natapos ang mutiny ng mga batang opisyal ng AFP ng walang dumanak na dugo. Magtatayo siya ng isang independent commission upang imbestigahan ang ugat ng mutiny at tutugunan ng kanyang gobyerno ang isinawalat na problema ng mga sundalo.
Lumago rin ang ekonomiya ng bansa ng 5.6% GNP sa unang quarter ng taong kasalukuyan at ang foreign investment aniya ay tumaas ng 25% kumpara sa first quarter noong nakaraang taon.
Iniulat din ng Pangulo na mahigit 300,000 ang naitayong bahay ng kanyang administrasyon. Napababa rin umano niya ang presyo ng kuryente at nananatiling P8.50 ang halaga ng sardinas at ang mantikang lapad sa halagang P11.
Sa larangan ng edukasyon, ipinangako ni Arroyo na dadagdagan ang oras para sa Math at English. (Ulat nina Lilia Tolentino/Malou Escudero)