Sa House Resolution No. 1221 ni Syjuco, naniniwala ang kongresista na bagaman at maituturing na nagkasala ang mga rebeldeng sundalo, naimulat naman ng mga ito ang mamamayang Pilipino kaugnay sa totoong nangyayari sa AFP.
Hiniling din nito sa AFP na payagan ni Pangulong Arroyo ang mga nasabing sundalo na bumalik sa military organization at ipagpatuloy ang kanilang pagbibigay ng serbisyo sa bayan.
Ayon kay Presidential Spokesman Ignacio Bunye, bagaman masusing pag-aaralan ang lahat ng akusasyong iniharap ng Magdalo group, kabilang ang umanoy pagbebenta ng mga armas at bala ng militar sa mga rebeldeng MILF, NPA at Abu Sayyaf ay determinado ang Pangulo na busisiin ang tunay na dahilan ng naganap na pag-aalsa kasama na ang pagpapalutang ng mga sibilyan at iba pang pulitiko na nagsamantala sa sitwasyon.
Bumuo na rin kahapon ang AFP ng Special Investigating Task Force upang magsagawa ng masusing imbestigasyon sa pag-aaklas ng mga junior officers at lima sa kanila ang isasailalim sa court martial.
Ang lima ay sina Navy Lt. Senior Grades Antonio Trillanes at James Layug; Captains Gerardo Gambala, Gary Alejano at Milo Maestrecampo, pawang ng Phil. Army.
Bagaman 296 ang mga nag-aklas kabilang ang 70 opisyal na may ranggong captain at lieutenant ay ang lima lamang na nabanggit ang iko-court marshall dahil umamin ang mga ito na sila ang nag-udyok sa kanilang mga kasamahan na mag-rebelde laban sa gobyerno. (Ulat nina Malou Escudero/Lilia Tolentino/Joy Cantos)