Sinabi ni Sen. Magsaysay, bukod sa hindi magastos ay walang polusyong maidudulot ito sakaling magamit ang hangin bilang source ng ating elektrisidad sa bansa.
Aniya, sa isinagawang pag-aaral ng United States National Renewable Energy Laboratory gamit ang Geographical Information System ay natuklasang maraming lugar sa bansa ang palagiang malakas ang hangin tulad ng Batanes at Babuyan island sa Northern Luzon.
Sa ilalim ng kanyang senate resolution 640, hiniling ni Magsaysay sa senado na pag-aralang mabuti kung magagamit nating source ng kuryente ang hangin at ang paggamit sa Philippine Wind Energy System.
Wika pa ni Magsaysay, dahil mayroon tayong mahigit na 10,000 square kilometer ng mahahanging lugar sa bansa ay baka puwedeng magamit natin ito bilang alternatibong source ng kuryente kaysa umangkat tayo ng krudo na ginagamit sa mga power plants.
Ang Batanes at Babuyan islands ay palaging dinadaanan ng mga bagyo kaya palaging malakas ang hangin dito at para makatipid ay pag-aralan natin kung puwedeng magamit ang hangin bilang source ng ating elektrisidad, dagdag pa ng senador. (Ulat ni Rudy Andal)