Itoy matapos na gamitin na rin ni PNP Chief Director General Hermogenes Ebdane Jr. ang 300,000 security guards at daan-daang libong barangay tanods mula sa 42,000 barangays sa buong kapuluan para tumulong sa pagtugis sa mga nabanggit na pugante.
Ang nasabing bilang ng search team ay ang pinakamalaking manhunt operations na inilunsad sa kasaysayan ng pambansang pulisya.
Ayon kay Ebdane, inorganisa na niya ang 63 special tracker teams para magsagawa ng malawakang manhunt operations laban kina Al-Ghozi, Abdulmukin at Lasal.
Ang special tracker team ay susuportahan ng 5,000 tropa mula sa ibat ibang mobile groups para mapabilis ang pagdakip muli kina Al-Ghozi.
Sinabi naman ni Task Force Al-Ghozi Spokesman P/Dir. Ricardo de Leon na pinakilos na rin nila ang kanilang mga Brgy. Information Network sa buong bansa upang mangalap ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng tatlong teroristang pugante.
Ang mga lisensyadong security guards at mga barangay tanods sa buong bansa ay inatasan na magmatyag o magmonitor sa kanilang mga lugar para sa agarang ikadarakip sa mga nabanggit na puganteng terorista.
Samantala, bumuo na rin ng Special Task Force ang Armed Forces of the Phils. (AFP) para maibalik sa kulungan si Al-Ghozi na misteryosong nakatakas kasama ang dalawa pang lokal na terorista.
Sinabi ni AFP Public Information Chief Lt. Col. Daniel Lucero, ang nasabing team ay binubuo ng military intelligence operatives na siya ring dumakip kay Al-Ghozi noong Enero 15, 2002 sa isinagawang raid sa Muslim compound sa Quiapo, Maynila.
Ang mga nasabing sundalo ay eksperto sa mga kilos, nakaraan o history at pag-uugali ni Al-Ghozi.
Maliban dito, tumanggi ang AFP na magbigay ng karagdagang detalye sa binuong task force. (Ulat ni Joy Cantos)