Dahil dito, nakaalerto ngayon ang tropa ng Armed Forces of the Philippine (AFP) sa mga balwarteng teritoryo ng ASG sa Western at Central Mindanao na maaaring pagtaguan ni Al-Ghozi at dalawa pang bomb experts ng ASG na sina Abdulmukin Edris at Mehran Abante.
Ang hakbang ay sa gitna na rin ng isinagawang round-up operations ng PNP sa mga Muslim centers sa Metro Manila upang hanapin si Al-Ghozi.
Sinabi ni Lt. Col. Daniel Lucero na pinakilos na ni AFP Chief of Staff Gen. Narciso Abaya ang puwersa ng militar upang masusing magbantay sa mga daungan, paliparan at terminal hinggil sa posibleng pagtatago ng tatlong terorista sa rehiyon ng Mindanao.
Si Al-Ghozi, pangunahing suspect sa Rizal Day bombing noong Disyembre 30,2000 na ikinasawi ng 20 katao at maraming nasugatan ay umaming miyembro ng international Southeast Asian-based terrorist group na Jemaah Islamiyah na pinamumunuan ni Osama bin Laden.
Pinaniniwalaang si Al-Ghozi ay hindi pa nakalalabas ng bansa at nagtatago lamang sa Metro Manila habang humahanap ng tiyempo para makabalik sa Indonesia kung saan ay maaari nitong gawing point of exit ang southern backdoor ng bansa.
Masusi ring tinututukan ang General Santos City matapos mapaulat na nagkapagtayo ng mass base si Al-Ghozi.
Kaugnay nito, tiwala ang PNP na malapit na nilang mabitag muli ang grupo ni Al-Ghozi matapos na tumakas noong Hulyo 14 sa detention cell ng PNP-IG.
Sinabi ni P/Dir. Ricardo de Leon, PNP Directorate for Police Community Relations na nagkaroon na ng ‘breakthrough’ ang isinasagawa nilang operasyon para maibalik sa kalaboso si Al-Ghozi. (Ulat ni Joy Cantos)