Bagamat inamin sa isang press briefing ni AFP Vice Chief of Staff at Spokesman Lt. Gen. Rodolfo Garcia na may sama ng loob ang mga sundalo, wala umanong katotohanan na nagpupulong ang mga Class 94 at 95 ng Philippine Military Academy (PMA) para magkudeta dahil sa hindi tinutugunan ng AFP ang kanilang mga karaingan tulad ng combat pay at hazard pay.
Base sa report, ang nasabing junior class ang pangunahing sumasagupa sa mga bandidong Abu Sayyaf Group, MILF at NPA.
Tiniyak ni Garcia na nananatiling solid ang suporta ng 113,000 puwersa ng militar sa pamahalaang Arroyo.
Ayon kay Garcia, minamadali na ng Kongreso ang pagpapasa ng panukalang batas para maitaas ang combat at hazard pay ng mga sundalo mula P360 hanggang P2,100 kada buwan.
Sinabi naman ni Defense Secretary Angelo Reyes na tinutugunan na ng kanyang departamento ang mga lehitimong hinaing ng mga sundalo sa bansa tulad ng pabahay, mababang sahod, kakulangan ng mga insentibo at corruption sa AFP.
Inihayag ni Reyes na isa sa mga kasalukuyang mga programa ng DND-AFP na katuwang ang mga ahensiya ng pamahalaan ay ang Off-Base Housing na naglalayong mabigyan ng mura at disenteng pabahay ang lahat ng mga sundalo.
Binanggit ng kalihim ang tatlong housing projects sa Camp Sevillano Aquino sa Tarlac, Camp Evangeslita sa Cagayan de Oro City at AFP Officers Village sa Taguig. (Ulat ni Joy Cantos)