Sa ginanap na pasinaya sa pangdugtong na daanan ng mga pasahero mula sa LRT-1 patungo sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), ipinaabot ni LRTA Administrator Teodoro Cruz Jr. kay Pangulong Arroyo na bukod sa pagdami ng pasahero, nakatipid din ang LRT sa gastusin nang mahigit P20 milyon matapos akuin ng mga Pilipinong enhinyero ang operasyon ng tren mula sa dayuhang Transurb Technirail, S.A. noong Mayo.
"Mula sa kabuuang P28 milyon gastusin sa loob ng nakalipas na tatlong taon, umaabot na lamang sa P8.3 milyon ang ginagastos ng LRT-1 sa pamamahala ng tren simula Mayo 15 - Hunyo 15,2003," ayon pa sa bahagi ng ulat ni Cruz.
Tumaas din ang bilang ng mga tren na bumibiyahe sa nasabing ruta. Mula sa nagdaang 56 light rail vehicle (LTVs), umaabot na sa 61 LRVs ang araw-araw na bumibiyahe sa LRT-1 kasama na ang siyam na LRV na may sariling air-conditioned unit.
Ibinalita rin ni Cruz na naging maayos na rin ang daloy ng tren dahil na rin sa mga ipinatutupad na mga gawain kontra pananabotahe ng mga masasamang elemento.
Batay sa pagsisiyasat, hindi aksidente ang mga naganap na tigil-operasyon ng tren kundi isang pananabotahe upang muling makuha ng dayuhang kumpanya ang pamamahala sa operasyon nito. Maging ang mga imbestigador ng Western Police District ay nagsabing bahagi ng isang pakana ang ginawang pagdi-diskaril sa operasyon ng tren.