Ayon kay KAISMA spokesman Isagani Diwanag, malaki ang posibilidad na "inside job" ang pagtakas ni Al-Ghozi na kasapi ng Jemaah Islamiyah regional terrorist group at ng dalawang miyembro ng Abu Sayyaf na sina Abdulmukin Ong Edris at Omar Opik Lasal alyas Merang Abante.
Inihayag ng KAISMA na imposibleng makatakas sa maximum detention ng Camp Crame ang mga umaming terorista kung walang kasabwat sa loob ng naturang kampo, at kung walang kapalit na malaking halaga.
"Tulad ng mga big-time drug pushers at corrupt government officials, dapat ay iharap sa firing squad ang sinumang may kinalaman sa pagtakas ng tatlong teroristang kumitil ng maraming inosenteng buhay," pahayag ng KAISMA.
Sinuportahan ng KAISMA ang "shoot-on-sight order" ni PNP chief Director General Hermogenes Abdane Jr. laban sa mga nakawalang terorista, kasabay ng panawagan sa mamamayan na maging mahinahon at makipagtulungan sa mga awtoridad.
Binigyang-diin ng KAISMA na kailangang magpamalas ng political will ang gobyerno sa pagsugpo ng katiwalian sa lahat ng sangay nito upang manumbalik ang tiwala ng taongbayan.