Ayon kay Padilla, panahon na para muling i-review ang Canberras trade policy dahil talo dito ang Pilipinas.
Ginagawa anyang tambakan ng agricultural products ng Australia ang Pilipinas katulad ng gatas, gulay, baka, beef steak, bottled juices, oranges at apples, pero hindi naman binibili ng nasabing bansa ang mga agricultural goods ng Pilipinas.
Idinagdag nito na sa nakalipas na 10 taon ay hindi nakakapasok ang saging at pinya ng Pilipinas sa Australia.
Dapat din anyang igiit ng Pangulo kay Howard ang market entry ng pinya at saging na mula sa Pilipinas dahil tinatanggap naman ito sa mga bansang istrikto sa safety at quarantine standards.
Malaking tulong umano ang magagawa ng Howard administration sa Pilipinas kung itatama nito ang malawak na trade imbalance at papasukin sa kanilang bansa ang mga produkto ng Pilipinas na maituturing na ring world class. (Ulat ni Malou Escudero)