Gringo hihirit din sa pagka-pangulo

Desidido si Senator Gregorio "Gringo" Honasan na ituloy ang plano niyang tumakbo bilang pangulo sa darating na 2004 elections kahit hindi ito mapiling standard bearer ng selection process ng United Opposition.

Sa launching kahapon ng Gringo Honasan for President Movement na ginanap sa Westin Philippine Plaza, sinabi ni Honasan na isusumite niya ang kanyang sarili sa selection process at sakaling hindi siya mapili ay nakahanda pa rin siyang tumakbo bilang independent candidate.

Tinanggap ni Honasan ang naging alok ng grupong H4 na sungkitin ang pinakamataas na posisyon ng bansa sa darating na 2004 elections.

Bukod kay Honasan ay nagpakita na rin ng intensiyong tumakbong presidente sina Sen. Panfilo Lacson, action king Fernando Poe Jr. at dating Ambassador Danding Cojuangco.

Sinabi ng convenor ng H4 na si Engr. Fred Vargas, kaya nila hinihimok si Honasan na tumakbo bilang presidente ay upang tuluyang maipatupad nito ang kanyang National Recovery Program (NRP).

Wika ni Vargas, kung magiging bise presidente lamang si Honasan ay posibleng maging hilaw ang pagpapatupad ng NRP nito na para sa kagalingan ng taumbayan.

Inindorso si Honasan ng iba’t ibang non-governmental organizations upang tumakbo ito bilang presidente kaysa bise sa darating na 2004 elections.(Ulat ni Rudy Andal)

Show comments