Sinabi ni Arthur Yap, administrador ng NFA na nasulatan na nila si Eleanor Rodriguez, ang may-ari ng warehouse, upang magpaliwanag sa re-bagging at transfer ng NFA rice na may daming 40,000 bags na natuklasan ni Pangulong Arroyo sa warehouse ni Ginang Rodriguez sa Punturin, Valenzuela.
Isang masusing imbestigasyon na ang sinimulan ng NFA hinggil sa insidente.
Pinaalala ng NFA na isang krimen ang re-bagging o re-sacking ng government rice at ang paglilikom ng malalaking halaga o hoarding ng bigas.
Binalaan din ni Yap na hindi papayag ang NFA na gamitin ng mga negosyante ang "lean period" kung saan kaunti ang ani ng bigas, bilang oportunidad para ipitin ang supply upang tumaas ang presyo ng bigas.
Nilinaw ng NFA administrator na sapat ang supply ng bigas lalo nat may parating na supply mula sa ibang bansa. Ang NFA ay may 660,900 metrikong toneladang bigas na nakaimbak at may 300,000 MT pa itong inaasahang darating ngayong buwan.
Kasabay nito, inanyayahan ni Yap ang publiko na isumbong sa NFA ang abnormal o iregular na galaw sa supply o presyo ng bigas, sa pamamagitan ng programang "TEXT NFA." I-type lamang ang keywords SUG para sa suhestiyon, QRY para isumbong ang mga iregularidad o pagkukulang sa supply ng bigas, CMP para sa iba pang puna o daing. Ang mga text message ay ipadala sa format: Keyword (space) name (space) address (space) message at i-send sa 0917-6210927. (Ulat ni Angie dela Cruz)