Sa ginanap na Kapihan sa Manila Hotel, sinabi ni Atty. Zosimo Mendoza, LRTA corporate secretary at chief of staff, matagumpay nang pinamamahalaan ng mga Pilipinong inhinyero at manggagawa ang operasyon ng tren mula Monumento hanggang Baclaran sa halagang P10M bawat buwan, mas mababa sa sinisingil ng dayuhang korporasyon.
Kasabay nito, ipinag-kibit balikat lamang ng mga opisyal ng LRTA ang mga umanoy bagong inilalabas na akusasyon laban sa ahensiya.
Sinabi ni Mendoza na guni-guni lamang at produkto ng inggit ang mga umanoy bagong akusasyon laban kay LRTA Administrator Teodoro Cruz Jr.
Aniya, malinaw na panggigipit lamang ang ginagawa ng kampo ni dating LRTA consultant Roberto Gualberto upang mapilitan ang LRTA na muling ibigay ang maintenance contract ng LRT-1 sa isang dayuhang korporasyon sa mataas na halagang P28 milyon bawat buwan.
Nakatakdang isubasta ng LRTA sa anumang kuwalipikadong kumpanya ang maintenance contract sa halagang P18.5M.
Una rito, naghain na ng kasong libelo sa korte si Cruz laban kay Gualberto.