Ayon sa mapapanaligang impormante, nangangamba ang oposisyon sa pagbukas ng suporta sa Pangulo ng ibat ibang sektor at sa open endorsement ng mga Asian leaders at Estados Unidos tulad nina Malaysian Prime Minister Mahathir Mohammad at US President George Bush.
Isang press release ang ipinadala umano sa mga pahayagan ng isang dating reporter na ngayon ay identified sa kampo ni Sen. Panfilo Lacson. Tinangkang bigyang kulay ng nasabing press release ang ginawang paghikayat ni Jaime Cardinal Sin kay Pangulong Arroyo na tumakbo sa 2004.
Nagtungo kamakailan si First Gentleman Mike Arroyo sa Villa San Miguel sa Mandaluyong City para iturn-over ang P1 milyong donasyon sa pagpapalaganap sa bokasyon ng mga pari at madre.
Ang pondo ay nakalap ng First Gentleman Foundation mula sa First Gentlemans Cup Golf Tournament na ginanap sa Wack-Wack noong Hunyo 27, kaarawan ni Ginoong Arroyo.
Kasalukuyang nagmimiryenda si Sin at G. Arroyo nang sabihing paulit-ulit ng Cardinal na dapat tumakbo ang Pangulo sa 2004. Ikinalugod ito ng First Gentleman na nagsabi na pararatingin niya sa kanyang asawa ang tinuran ng Cardinal. Marami ang naniniwala na may "gift of prophesy" si Cardinal Sin.
Matatandaang noong kainitan ng juetengate expose ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson patapos ang taong 2000, sinabi ni Sin na maghanda na si Ginang Arroyo sa kanyang pag-oath taking bilang pangulo, na nagkatotoo naman noong sumunod na taon.
Iginiit naman ni Presidential spokesman Ignacio Bunye na walang dapat ikatakot ang oposisyon dahil hindi interesado ang Pangulo sa pagtakbo sa 2004 at ayaw nito na maistorbo ng partisan politics sa kanyang pagtutok sa mga mas importanteng programa at proyektong kailangan ng bansa katulad ng kampanya laban sa droga, terorismo at iba pang uri ng kriminalidad.(Ulat ni Lilia Tolentino)