Ayon kay Isagani Diwanag, tagapagsalita ng Kapatirang Isip Malaya (KAISMA), kung nagtagumpay ang US sa pagiging broker sa peace negotiations sa pagitan ng Irish Republican Army at ng pamahalaan ng Northern Ireland at sa patuloy na pagsisikap na mapagkasundo ang mga Israeli at Palestinian sa Gitnang Silangan, walang dudang makakatulong din ito sa pagkakamit ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao.
Nauna ritoy hinikayat ni Pimentel ang US na mamagitan sa peace talks sa pagitan ng pamahalaan at MILF at isantabi ang balak na bansagang terorista ang nasabing rebeldeng grupo dahil makapaglala lamang ito sa delikadong sitwasyon sa katimugan,
Nanindigan ang KAISMA na kahit nagboluntaryo na ang Malaysia na mamagitan sa gaganaping peace talks sa pagitan ng gobyerno at MILF, mas makabubuti kung mabigyan ng pangunahing papel ang Amerika sa negosasyon.
Kaugnay nito, isang special team ang binuo ng pamahalaan ng Amerika upang maging peace broker.
Ito naman ang ibinalita ni Sen. Pimentel matapos makipag-usap kay United States Institute of Peace (USIP) president Ambassador Richard Solomon sa Washington D.C.
Ang USIP ang bumabalangkas umano ngayon ng plano hinggil sa magiging papel nila sa usapang pangkapayapaan ng panel ng GRP at MILF. (Ulat ni Rudy Andal)