Ang Senado ay bumabalangkas ng isang panukalang batas hinggil sa pagpapatupad ng dagdag na suweldo ng mga bumbero at jailers, subalit naudlot ang pagpasa nito dahil sa nais idagdag ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa panukala na lumikha ng 23 na mga heneral sa BFP.
Base sa posisyong isinumite ng BFP sa Kongreso, kailangan daw ang paglikha ng 23 mga heneral upang magkaroon ang mga ito ng kumpiyansa sa sarili at maging responsable sa mga kawani.
Sa naturang posisyon ay idinagdag ng BFP na ang mga nakapuwestong mga sibilyang kawani na hepe sa ibat ibang dibisyon nito ay papalitan ng 23 mga gagawing heneral na tahasang paglabag sa Civil Service Commission (CSC) Resolution No. 95-3496 at Court of Appeals decision noong 1995, na nagbibigay karapatan sa mga sibilyan na maging division chiefs.
Ayon sa mga sibilyang kawani ng BFP, ang hiling ng pamunuan ng BFP na paglikha ng 23 heneral ay pangako umano nito sa mga senior fire officers sa national at regional offices ng ahensya upang patuloy na mapagtakpan nito ang napakaraming anomalya laban dito at sa BFP Bids and Awards Committee ni Sr. Supt. Jose Collado na iniimbestigahan ngayon ng Office of the Ombudsman.