Sinabi ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye na ipinauubaya na ng Malacañang kay Wycoco na kasalukuyang nasa abroad, ang pagdepensa sa kanyang sarili.
Pero para sa Senado, hindi lang paliwanag ang dapat hingin kay Wycoco. Hiniling ni Sen. Rodolfo Biazon kay Pangulong Arroyo na imbestigahan at sibakin agad ito sa sandaling mapatunayang tumatanggap nga ng payola mula sa jueteng operations.
Si Wycoco ay inakusahan ng isang tauhan ng NBI na umaabot sa P8.130 milyon ang buwanang payola na tinatanggap umano ng NBI kung saan ang P5 milyon dito ay para umano kay Director Wycoco habang ang natitira ay para sa NBI-NCR na pinamumunuan ni Atty. Edmund Arugay.
Sinabi pa ng nagbunyag ng anomalya na isang Atty. Ace na nakatalaga sa NBI-NCR ang namamahala sa jueteng collections mula sa ibat ibang gambling lords sa bansa. Nakukuha umano ni Wycoco ang jueteng payola sa pamamagitan ni Romulo Asis, executive officer ng NBI at miyembro ng Task Force Kalayaan ng DILG.
Kabilang sa mga gambling lords na nagbibigay ng monthly payola sa NBI ay sina Art Katigbak ng Bicol; Arman Sanchez ng Quezon; Charing Magbuhos ng Quezon; Luis Maralit at Nora de Leon ng Laguna; Gani Cupcupin ng Cavite; Otto at Sett Balboa ng Apalit, Pampanga; Rey Pineda/Monette ng Angeles City; Ruben Pineda ng Lubao, Pampanga; Bong Pineda ng Bataan, Pangasinan, Isabela, Nueva Vizcaya; Melchor "Ngongo" Caluag ng San Fernando, Pampanga; Fred Jankie ng Olongapo; Peping Balden ng Zambales; Bebot Roxas at Mundong ng Tarlac; Romy Lajara ng Baguio City; Jun Somera ng Bulacan; Romy Alvarez ng Mindoro; Wacky Salud ng Cebu/Visayas Region at Rodily ng Davao. (Ulat nina Ely Saludar/Rudy Andal)