Ika-3 mayor tinodas ng NPA

Isa na namang alkalde mula sa lalawigan ng Compostela Valley ang binaril ng malapitan at napaslang ng nag-iisang salarin sa isang sabungan sa Davao City nitong nakalipas na Sabado ng gabi.

Gayunman, agad ring napatay ang suspek ng mga bodyguard ng alkalde.

Ang insidente ay naganap may isang linggo lamang ang nakakaraan matapos likidahin at mapatay sina Mayor Guerrero Zaragoza ng Tayug, Pangasinan at Payao Mayor Moises Araham ng Zamboanga Sibugay ng hinihinalang mga rebeldeng New People’s Army (NPA).

Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, kinilala ang panibagong biktima ng pamamaslang na si Monkayo, Compostela Valley Mayor Joel Brillantes, 49. Dead on arrival ito sa Davao Doctors Hospital sanhi ng dalawang tama ng bala ng baril sa ulo.

Dead-on-the-spot naman ang gunman na kinilalang si Aniceto Dejeto, Sr. ng Bgy. Tulalian, Sto. Tomas, Davao del Sur.

Ayon kay AFP-Public Information Office chief Lt. Col. Daniel Lucero, naganap ang krimen dakong 11:45 ng gabi nitong Sabado sa ringside ng cockpit arena ng Matina Gallera sa McArthur Highway sa Matina, Davao City.

Ayon sa mga saksi, nasa VIP room sa loob ng sabungan ang alkalde kasama ang kanyang mga security escort ng lumabas ang mga ito para umupo malapit sa mismong sabong.

Naging mabilis umano ang pagkilos ng suspek at sinamantala nito ang pagkakataon para makasunod at makasingit sa mga bodyguard ng mayor.

Agad binaril ng malapitan sa ulo ang mayor at dalawang tama ng bala ang tumapos sa buhay nito.

Matapos ang pamamaril ay nagtatakbo patakas ang suspek subalit mabilis itong hinabol ng mga bodyguard ni Brillantes at sabay-sabay na pinaputukan si Dejeto hanggang sa mamatay ito.

Si Brillantes ay dati umanong miyembro ng Phil. Army. Naging kontrobersiyal ito dahil sa itinayong kumpanya na kaanib ng Southeast Mining Multinational Corp., ang kumpanya na nakaalitan ng small-scale miners na nag-ooperate sa Mt. Diwalwal.

Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo ng krimen gayundin kung hired killer o miyembro ng komunistang NPA ang napatay na suspek. Sisiyasatin rin kung ang pagpatay ay may kinalaman sa isyu sa Mt. Diwalwal. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments