Cuadro de Alas buwag na hindi pa man nakakaporma

Hindi pa man nakapagsisimula sa responsibilidad ang binansagang "Cuadro de Alas" sa anti-drug campaign, napalitan na sila ng bagong grupo na tinagurian ngayong "Junta Boys" na mangangasiwa sa kampanya ng pamahalaan laban sa droga.

Sa ginanap kahapong command conference ni Pangulong Arroyo sa Malacañang, ganap nang naitsapuwera sa programang anti-drug campaign sina Senador Robert Barbers, dating Manila Mayor Alfredo Lim at dating P/Major Lucio Margallo. Ang tatlo ay hindi inimbita sa naturang command conference para labanan ang droga.

Tinukoy naman ng Pangulo ang mga personalidad na siyang mangangasiwa sa kampanya, sila ay sina Interior and Local Government Secretary Jose Lina Jr. bilang ex-officio chairman ng Dangerous Drugs Board; Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Anselmo Avenido at PDEA Executive Director Gen. Edgardo Aglipay.

Hindi rin imbitado si dating P/Col. Reynaldo Jaylo pero sinabi ni Avenido na may inihahanda na silang appointment para kay Jaylo bilang miyembro ng PDEA board.

Sa idinaos na press briefing pagkaraan ng command conference, sinabi ni Presidential Chief of Staff Rigoberto Tiglao na ang Dangerous Drugs Board na nasa ilalim din ng pangangasiwa ni Lina ang siyang pinakamataas na policy making body sa kampanya laban sa bawal na gamot.

Ang operational arm ng programa ay ang PDEA na siya ring may kontrol sa ipinalabas ng Pangulo na P1 bilyon para sa anti-drug campaign.

Ang pagbalangkas ng patakaran sa kampanya ay ipinababalik kay Lina, ang operational arm ay kay Avenido at ang itatatag na mga task force ay sa ilalim ng kontrol ni Aglipay.

Sinabi ni Tiglao na naniniwala ang Pangulo na ang kampanya laban sa droga ay puwede nang maisakatuparan sa pamamagitan ng mga umiiral nang ahensiya at mga institusyon.

Idinagdag ni Tiglao na hindi naman isinasara ng Pangulo ang paghingi ng payo o konsultasyon kay Senator Barbers at ang pagtulong nito alinsunod sa responsibilidad niya bilang chairman ng senate committee on illegal drugs. Puwede namang makapag-ambag sa kampanya sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahalaga nilang payo sa mga ahensiyang bumubuo ng kampanya laban sa bawal na gamot.

Kasabay nito, nilinaw ni Lina na dahil sa laki ng problema sa droga ang tatlong buwang palugit na itinakda ng Pangulo ay hindi maisasakatuparan.

Sinabi naman ni Avenido na sa loob ng tatlong buwan, 1/3 ng natukoy na 175 sindikato ng droga ay magiging niyutralisado.

Sa ngayon anya, dalawang grupo na ang niyutralisado ng mga awtoridad.(Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments