Hiningi ng Pangulo sa mga lider ng MILF na ibunyag kung sinu-sino ang nasa likod ng pagbili, pag-iimbak at sino ang target ng mga daang kilo ng bombang C-4 na nadiskubre ng militar sa serye ng operasyon nito sa pinagkukutaan ng MILF.
Ayon sa Pangulo, ang pagkakatuklas na ito ng mga bomba ay isang malaking dahilan para maantala ang prosesong pangkapayapaan. Naganap anya ito sa isang panahong inihahanda na ang panunumbalik ng negosasyong pangkatahimikan sa MILF.
"Somebody is responsible for procuring and hoarding such destructive material in quantities that are even larger than the entire C-4 inventory of the Armed Forces. I am strongly urging a complete disclosure of information regarding this cache of explosives, especially its source, the identity of its owners, the intended targets and the involvement of any transnational terrorists smuggling and hoarding this deadly material," anang Pangulo.
Kabilang sa nasamsam ng militar sa 3 araw na operasyon simula nitong nakalipas na Sabado sa bayan ng Kabuntalan, Maguindanao ay 450 kilo ng C-4 na may kakayahang magpasabog ng isang malaking gusali, 165 kilo ng black gunpowder, 65 kilo ng TNT at 13 sako ng potassium nitrate.
Iniharap rin ng militar sa Pangulo ang tatlong sako ng black gunpowder, 69 kahon na naglalaman ng 6,900 blasting caps, dalawang sako ng rocket-propelled grenade propellants, 25 piraso ng RPG launchers, sari-saring mga kagamitan at sangkap sa paggawa ng bomba.
Kung hindi anya sa maagap na pagkakadiskubre dito ng AFP magagamit pa ito sa pagkitil ng buhay ng marami pang inosenteng sibilyan.
Hindi anya niya matatanggap ang dahilan ng MILF na ang malaking bahaging ito ng arsenal ng MILF ay itinanim ng mga sundalong militar.
Sinabi ng Pangulo na ang paliwanag ng MILF sa nadiskubreng armas ang siyang magiging basehan sa aksiyong gagawin ng pamahalaan sa isinusulong na prosesong pangkapayapaan.
Nakasalalay na anya sa kamay ng MILF ang ikatutuloy ng prosesong pangkapayapaan sa Mindanao. (Lilia Tolentino/Joy Cantos)