Ayon sa source, naging sikreto umano ang pag-uusap nina Barbers at Lacson kung saan ang kasama lamang ng mga ito sa isang function room sa Diamond Hotel ay sina Lim at Maliksi.
Itinanggi naman ni Sen. Barbers na nagkaroon sila ng "kiss and makeup" ni Lacson matapos silang magpalitan ng mga akusasyon nitong mga nakaraang araw makaraang ihayag ni Barbers ang nilalaman ng Senate committee report no. 66 na nagrerekomenda sa Department of Justice (DOJ) na kasuhan si Lacson kaugnay sa drug trafficking at kidnap-for-ransom activities noong pinamumunuan pa nito ang PNP.
Inakusahan naman ni Lacson si Barbers na walang nagawa noong namumuno pa ito sa DILG dahil matapos maaresto nito ang suspected bigtime drug trafficker na si Lawrence Wang noong 1995 ay nakalaya ito dahil hindi sumipot sa pagdinig ng kaso ang mga arresting officers nito.
Pinagbintangan din ni Lacson si Barbers na kaya nabalewala ang kaso kay Wang ay dahil nagkaroon ng "lagayan" na P15 milyon at isang kotse para lamang hindi na siputin ng mga tauhan ng PARAC ang pagdinig dito sa korte.
Maging si Gov. Maliksi ay tumangging kumpirmahin na siya at si Lim ang naging "middle men" para magkasunddo sina Barbers at Lacson.
Inamin ni Maliksi na nag-usap sila ni Lim pero tungkol ito sa shame campaign sa pamamagitan ng pagpintura sa mga bahay ng suspected drug pushers sa Cavite at hindi ang tungkol sa "word war" ng dalawang nabanggit na senador. (Ulat ni Rudy Andal)