Sa 10-pahinang per curiam decision ng SC, ang pangalan ni Atty. Virgilio Garcia ay muling pinababalik ng SC sa hanay ng mga abogado sa bansa makaraang katigan nito ang kanyang motion for reconsideration na inihain noong Pebrero 6, 2002.
Batay sa record ng korte, una nang inireklamo si Garcia dahil sa pagiging pabaya nito sa kanyang tungkulin bilang isang notary public, kung saan nai-notarya nito ang dokumento ng deed of donation na nagtataglay ng pekeng pirma.
Sinabi ng SC na sa kabila ng pagkakaroon ng kapabayaan ni Garcia sa kanyang tungkulin ay hindi rin nangangahulugan na nakipagsabwatan ito sa pamemeke ng lagda ng isang nagngangalang Cesar Flores.
Gayunman, inamin ni Garcia na naging pabaya siya sa kanyang tungkulin, ngunit nagmakaawa naman ito sa SC na huwag siyang i-disbar o tanggalan ng titulo bilang abogado.
Binigyang pansin din ng SC na ito ang unang pagkakataon na nagkamali o nagkaroon ng kapabayaan si Garcia sa kanyang tungkulin kung kaya magiging napakabigat na parusa para dito ang tanggalin siya sa hanay ng mga abogado.
Dahil dito, ibinalik kay Garcia ang kanyang kapangyarihan at titulo bilang abogado, bagkus ay sinuspinde na lamang ito ng tatlong taon at hindi pinapayagan na magsagawa ng pagnonotaryo.
Sa kabila nito, binalaan naman ng SC si Garcia na di na dapat maulit ang nasabing pagkakamali dahil hindi na ito muling magiging "maawain." (Ulat ni Grace dela Cruz)