Namatay noon din ang mga biktima na kinilalang sina Tayug Mayor Guerrero Zaragoza at Wilfredo Balmores bunga ng mga tinamong tama ng punglo sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Kasalukuyang ginagamot ang mga nasugatan na sina SPO2 Seriosa, Leopoldo Serrano, Sangguniang Brgy. secretary; mga bodyguard na sina Merlito Apias, Alberto Ponsabay at security escort na si Mario Quiban at isang di pa kilalang biktima.
Sa report ng pulisya, dakong alas-2:45 ng madaling-araw habang papalabas umano si Mayor Zaragoza kasama ang mga nabanggit na bodyguard nito sa Tayug cockpit arena sa Brgy. Toketec nang bigla na lamang silang paulanan ng bala ng isang grupo ng kalalakihan.
Nakaganti pa ng putok ang mga eskort subalit mabilis na nakatakas ang mga salarin habang nakabulagta ang Mayor at mabilis namang nagkagulo sa loob ng sabungan.
Nabatid na ilang minuto bago ang pamamaslang, ilang kalalakihan na may dalang bayong na lalagyan ng manok na panabong ang pumasok sa sabungan at nagtanung-tanong kung nasa loob na ang alkalde.
Sa teorya ng Tayug Police, malaki ang posibilidad na ang mga rebeldeng NPA ang may kagagawan sa nasabing pananambang kasunod ng mga tinanggap nitong pagbabanta sa buhay mula sa nasabing komunistang grupo na aktibong kumikilos sa nasabing lalawigan. (Ulat ni Joy Cantos)