Malaking separation pay alok sa gov't employees

Pagkakalooban ng pamahalaan ng malaking "separation pay" ang mga empleyado ng gobyerno na apektado ng abolisyon ng 14 mga ahensiyang may duplikasyon ang trabaho sa iba pang tanggapan ng pamahalaan.

Inihayag ni Pangulong Arroyo na ang lahat ng empleyadong kusang papailalim sa boluntaryong pagreretiro ay tatanggap ng katumbas na 1 1/2 buwan ng sahod sa bawat taong ipinaglingkod nila sa serbisyo.

Base sa pagtaya ng pamahalaan, makakatipid ng P1.5 bilyon bawat taon sa pagbuwag ng 14 "non-performing agencies" ng gobyerno.

Sa isang naunang panayam kay Budget Secretary Emilia Boncodin, itinanggi nitong 50,000 empleyado ang maaapektuhan dahil ang mga empleyadong tutol sa boluntaryong pagreretiro ay ililipat naman sa mga tanggapang kailangan ang kanilang serbisyo.

Itinanggi rin ng Pangulo na dikta ng International Monetary Fund (IMF) ang malawakang pagbuwag sa 14 ahensiya ng gobyerno para mapaliit ang budget deficit ng pamahalaan. Sinabi ng Pangulo na hindi puwedeng magdikta sa kanya ang IMF dahil hindi naman nangungutang ang bansa sa IMF. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments