Utol ni Ping kakasuhan ng explosives

Sasampahan ng kasong kriminal ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang pamunuan ng isang security agency na pagmamay-ari ng kapatid ni Senador Panfilo Lacson matapos na makunan ito ng bomba at iba pang mga eksplosibo sa isinagawang raid sa Parañaque City kamakalawa ng gabi.

Ayon kay PNP-CIDG Chief P/Director Eduardo Matillano, patuloy silang nangangalap ng mga kaukulang dokumento laban sa Golden Armour Security and Allied Services Inc. na pag-aari umano ni Romulo Lacson, nakatatandang kapatid ni Senator Lacson na matatagpuan sa Maja Food Plaza, Ninoy Aquino Ave., Bgy. San Dionisio nasabing lungsod.

Sinabi ni Matillano na sinalakay ng mga operatiba ng PNP-CIDG ang naturang security agency kamakalawa ng gabi matapos makatanggap ng impormasyon na may nakatagong bomba dito.

Nakarekober ng dalawang C-4 bomb na nakalagay sa isang kahon ng alak at apat na granada na nakalagay naman sa isang kahon ng sapatos at iba pang gamit pampasabog.

Iginigiit naman ng kapatid ni Lacson na "planted" umano ang nakuhang mga pampasabog dahil wala silang itinatagong bomba sa kanilang security agency na ginagamit lamang para sa security training ng mga bagitong guwardiya bago ang mga ito isabak sa trabaho.

Naghihinala rin ang kampo ni Lacson na "demolition job" ang nasabing raid upang wasakin ang kredibilidad ng senador na nauna nang nagpahayag ng kanyang ambisyong kumandidato sa 2004 presidential elections.

Binigyang diin naman ni Matillano na ginagampanan lamang nila ang kanilang tungkulin upang pangalagaan ang peace and order sa bansa. (Ulat nina Joy Cantos at Lordeth Bonilla)

Show comments