Payment time sa LTO in-extend

Pinag-aaralan ng Land Transportation Office (LTO) na e-extend ang oras sa pagbabayad ng mga motorista sa registration at pagkuha ng lisensiya sa alinmang tanggapan ng LTO nationwide partikular sa Metro Manila.

Ayon kay LTO Chief Roberto Lastimoso, bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Arroyo, nagpapatupad na sila ng mga paraan para ma-extend ang cut-off period sa pagtanggap ng mga bayarin sa ahensiya upang higit na maserbisyuhan ang publiko.

Sa kasalukuyan, hanggang alas-4 ng hapon lamang ang cut-off period para sa pagtanggap ng bayarin sa rehistro ng sasakyan at pagkuha ng lisensiya upang ma-reconcile ng maayos ang lahat ng resibo sa buong araw na transaksiyon.

Mula alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon ang pasok ng mga cashier sa LTO bukod sa walong oras na working hours ng mga empleyado na mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Una rito, sinuspinde ni Lastimoso ang implementasyon ng Early Warning Device para sa lahat ng irerehistrong sasakyan sa LTO bilang pagtalima din sa direktiba ni Pangulong Arroyo.

Ang naturang direktiba ay nilagdaan ni Lastimoso na nag-uutos din sa lahat ng Regional Directors, Transportation District Offices, Traffic Law Enforcement EWD assemblers/manufacturers at dealers hinggil sa suspension ng EWD. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments