PNP Drug testing Program sinimulan na

Inilunsad na kahapon ang Drug Testing Program ng Philippine National Police (PNP) para sa mga miyembro at opisyal ng PNP bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na dagdagan pa ang ngipin ng batas sa anti-drug abuse campaign ng pamahalaan.

Pinangunahan nina Interior and Local Government Secretary Jose Lina Jr. at PNP Chief P/Dir.Gen. Hermogenes Ebdane kasama ng ilan pang top brass ng pulisya ang pagsasailalim sa drug test sa Camp Crame kahapon ng umaga.

Naunang nagpadrug test sina Lina at Ebdane at sinundan ng mga top brass sa PNP kasabay ng symposium hinggil sa anti-illegal drugs program sa Multi-Purpose Hall sa naturang kampo.

Maliban kay Lina at Ebdane, sumailalim din sa drug test sina bagong Anti-Drug Czar P/Dep. Dir. Edgar Aglipay, P/Dep. Dir. for Operations Virtus Gil at Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Anselmo Avenido Jr.

Matapos ang limang minuto, lumitaw na negatibo sa drug test ng PNP-Crime Laboratory sina Lina, Ebdane, Aglipay, Gil at Avenido.

Umaabot naman sa mahigit 1,000 mga opisyal at miyembro ng pambansang pulisya ang isinalang sa random drug testing kung saan ang resulta ayon na rin kay Aglipay ay ipalalabas nila sa loob ng 72 oras.

Sinabi ni Aglipay na sinimulan na rin kahapon ang serye ng drug testing sa Police Regional Offices sa buong bansa. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments