Kinumpirma ni acting Labor Secretary Manuel Imson na nagpalabas ng abiso ang Council of Labor Affairs (CLA) hinggil sa pagbibigay ng mga benepisyo sa lahat ng mga OFW na nahawahan ng SARS habang ang mga ito ay nasa trabaho sa Taiwan.
Bibigyan ng patas na benepisyo, medical care subsidies at condolence payment ang mga OFW sa lokal na manggagawa ng Taiwan base na rin sa isinasaad ng labor laws at related regulations ng nasabing pamahalaan.
Ang mga benepisyong tatanggapin ng mga kumpirmadong nahawahan ng SARS ay mabibigyan ng official leaves. Kapag covered ng labor standard law makakakuha ang mga ito ng kanilang arawang sahod, habang ang mga covered ng state-operated labor insurance program ay maaaring makapag-apply ng kanilang wage subsidies mula sa Bureau of Labor Insurance ngunit kung hindi naman sakop ang mga OFW ng insurance programs, maaari pa rin makapag-apply ang mga ito ng kanilang wage subsidies mula sa nasabing pamahalaan.
Habang ang mga OFW na nasuring SARS-free makaraang sumailalim sa panahon ng quarantine ay mabibigyan ng $500 consolation allowance bawat araw na maaaring umabot sa $5,000 sa kabuuan.
Sa medication expenses ng OFW kapag nasuring positibo sa SARS, sagot na ng pamahalaan ito at kapag gumaling maaari pang muling magtrabaho ang legal na OFW sa Taiwan. (Ulat ni Jhay Mejias)