Ang nasabing panukala ay pinagdedebatehan na sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Beltran, mas magiging ligtas ang bansa kung ibabasura na lamang ang Anti-Terrorism Act of 2003.
Magiging katawa-tawa aniya ang bansa kapag tuluyang naisabatas ang panukala dahil maging ang paghatsing sa pampublikong lugar ay nais na ring ipagbawal.
Hindi rin pabor si Beltran na ihanay bilang "terrorist act" ang pagsasagawa ng strike ng mga empleyado, mass demonstrations at pagbabarikada ng mga squatters kapag ginigiba ang kanilang mga tahanan.
Mas makakatulong aniya sa pagsugpo ng terorismo ang pagpapasa ng batas na magbibigay ng proteksiyon sa mga mamamayan.
Ang dapat aniyang pagtuunan ng pansin ng gobyerno ay ang pagpapalakas ng intelligence network ng militar upang hindi makapasok sa bansa ang mga terorista.
Idinagdag nito na kung pagbabasehan ang kasaysayan ng Pilipinas, lalabas na ang gobyerno ang maituturing na "biggest terrorist" dahil sa napakaraming human rights violations na karamihan umano ay ginagawa ng militar. (Ulat ni Malou Escudero)