Pres. GMA puwede raw mapatalsik

Posibleng baligtarin ng Supreme Court (SC) ang nauna nitong desisyon kaugnay sa legalidad ng pagkakaupo ni Pangulong Arroyo bilang Presidente ng bansa.

Ito ang ibinigay na reaksiyon kahapon ni SC Senior Justice Josue Belosillo hinggil sa impeachment complaint na isinumite kahapon ni Atty. Rene Saguisag at dating Pangulong Estrada sa Kongreso laban sa walong SC justices sa akusasyong nagsabwatan upang mapatalsik si Estrada sa puwesto.

Ayon kay Belosillo, kahit na may pinal na desisyon ang SC ay maaari pa rin nilang baligtarin ang unang desisyon kung isasaalang-alang ang kapakanan ng hustisya.

Ikinatwiran ni Belosillo na hindi paglabag sa Judicial Code of Conduct ang ginawang pagpunta ng ilang mahistrado ng SC sa EDSA noong panahon na pinanumpa ni Chief Justice Hilario Davide si Gloria Macapagal-Arroyo upang maging Pangulo.

Aniya, nais lamang nilang masaksihan ang nasabing panunumpa at maging bahagi ng kasaysayan kung kaya nagpunta ang mga mahistrado sa EDSA.

Ayon pa rin kay Belosillo, ang librong "Reforming the Judiciary" na isinulat ni Associate Justice Artemio Panganiban ay hindi maituturing na desisyon ng buong miyembro ng SC.

Ang naturang libro ay opinion lamang umano ni Panganiban kaya hindi ito maaaring maging basehan upang maiusad ang impeachment complaint laban sa kanila.

Bukod kay Belosillo, kasama rin sa 19-pahinang complaint sina SC Justices Davide, Panganiban, Antonio Carpio, Renato Corona, Reynato Puno, Jose Vitug at Leonardo Quisumbing.

Base sa reklamo, mayroong pitong dahilan para patalsikin ang mga mahistrado at pangunahin na rito ang paglabag sa Saligang Batas, Code of Conduct and Ethical Standard of Public Official at Oath of Office and Code of Conduct of Judicial Conduct.

May malaking impluwensiya umano ang librong isinulat ni Panganiban sa pagsasampa ng kaso. Sa nasabing libro, isinalaysay umano ni Panganiban ang detalye kung papaano nabuo ang sabwatan ng mga mahistrado at mga kapanalig ni Arroyo para alisin sa puwesto si Estrada. Simula pa lamang ng 2002 ay pinaplano na umano ang pagpapatalsik kay Estrada.

Pinuna rin ni Saguisag ang detalye sa ginawang pagkonsulta ng mga mahistrado kay Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin na isa umanong paglabag sa itinatadhana ng Saligang Batas na "separation of powers of Church and State." (Ulat nina Grace dela Cruz/Malou Escudero)

Show comments