Sa isang panayam, sinabi ng tagapagsalita ng MILF na si Eid Kabalu na ang bola o pagpapasya ay nasa kamay na ngayon ng pamahalaan makaraang mabigo ito na positibong tumugon sa ceasefire na inaalok ng nasabing bandidong grupo.
Sinabi ni Kabalu na wala na silang magagawa kundi bumalik sa dati at ipagpatuloy ang paggiyera sa tropa ng pamahalaan sa lahat ng panig sa Mindanao na sisimulan sa Hunyo 13.
Niliwanag ng MILF spokesman na bagaman ibinasura ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang kanilang plano, isusulong pa rin ng mga ito ang unilateral 10-day ceasefire na magsisimula ngayong araw at magtatapos sa Hunyo 12 na ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan.
Niliwanag naman ni MILF Information Officer Chief Mohagher Iqbal na idineklara ang unilateral ceasefire upang buksan ang pintuan ng pamahalaan na mag-implementa ng probisyon sa Joint Communique na nilagdaan sa Kuala Lumpur noong Marso 28.
Hinikayat ni Iqbal ang Pangulo na pag-aralan nito ang ginawang pagbasura at ideklara ang isang parallel ceasefire upang muling maipagpatuloy ang negosasyon sa usapang pangkapayapaan.
Nagbabala ang mga nabanggit na lider ng MILF sa administrasyong Arroyo na kapag hindi naipatupad ang March 28 agreement ay sisimulan na nila ang paghahasik ng kaguluhan matapos ang ibinigay na takdang araw.
Gayunman, naniniwala ang mga ito na nais rin ng Pangulo ang peaceful resolution sa nagaganap na kaguluhan sa Mindanao subalit wala umano itong magawa at hindi makapalag sa gusto ng mga military generals na siyang pinagkakautangan nito dahil sa pagkakaluklok niya bilang Presidente ng bansa.
Iginiit ni Kabalu na wala nang kontrol ang Pangulo sa militar at natatakot ito na mawala ang suporta na siyang dahilan ng patuloy na pagkontrol nito at para hindi mapalayas sa Malacañang.
"Nagbabayad na siya ngayon ng utang na loob sa military," ani Kabalu.
Nagdeklara aniya ang Pangulo noong Disyembre na hindi na siya tatakbo sa eleksyon dahil nais ng military na si Defense Sec. Angelo Reyes ang maging Pangulo ng bansa.
Samantala, sinabi ni AFP Vice Chief of Staff at Spokesman Lt. Gen. Rodolfo Garcia na may isinumete na silang rekomendasyon sa Palasyo kung idedeklara o hindi bilang teroristang grupo ang MILF.
Ito ay sa gitna na rin ng seryosong pagkonsidera ng pamahalaan upang ideklarang terrorist group ang MILF matapos na pormal na magwakas kahapon ang palugit ng administrasyon sa nasabing grupo para tigilan na ang paghahasik ng mga ito ng terorismo. (Ulat nina Bong Fabe at Joy Cantos)