Ayon kay Davao City Rep. Prospero Nograles, importanteng magsagawa ng imbestigasyon ang House committee on youth and sports sa naturang alegasyon dahil ang mga players na ito ang siyang tinitingala o iniidolo ng mga kabataan.
Aalamin din sa gagawing imbestigasyon kung ginagampanan ng mga team managers at personal managers ang kanilang papel na panatilihing "malinis" ang kanilang mga manlalaro.
Sinabi ni Nograles na dapat na permanente ang gawing ban sa paglalaro sa anumang professional o amateur sports club ng mga basketbolistang napatunayang positibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Hindi aniya sapat na ibulgar lamang ang mga pangalan ng manlalarong positibong nagda-drugs kundi dapat ding isailalim kaagad ang mga ito sa rehabilitasyon upang hindi nito maimpluwensiyahan ang ibang manlalaro.
Ilan sa mga sinasabing positibo sa paggamit umano ng illegal drugs sina Asi Taulava, Dorian Peña, Jimwell Torion, Alex Crisano, Norman Gonzales, Noli Locsin, Davonn Harp, Jun Limpot, Angelo David at Ryan Bernardo. (Ulat ni Malou Escudero)