Ito ang mariing babala kahapon ni PNP Chief P/Director General Hermogenes Ebdane sa sandaling mahuli nila sa akto ang ilang mga kasapi ng PBA na gumagamit ng bawal na droga tulad ng shabu at marijuana.
Nilinaw naman ni Ebdane na ang pagpapataw ng disciplinary action laban sa mga PBA stars ay kontrolado na ng Philippine Sports Commission sukdulang idismis ang mga kinauukulan para hindi makapaglaro sa koponan ng kanilang kinabibilangan.
"Indeed there must be a better control over the athletes and the agencies concerned, the sports commission should be decisive on providing punishment perhaps to the point of dismissing these players," pahayag ni Ebdane sa ginanap na press conference sa Camp Crame kahapon.
Ang pahayag ay ginawa ni Ebdane matapos na lumitaw sa confirmatory testing na isinagawa ng PNP-Crime Laboratory na positibong gumagamit ng illegal na droga ang mga manlalaro na sina Noli Locsin ng Talk N Text, Dorian Peña ng San Miguel, Jun Limpot ng Ginebra, Ryan Bernardo ng FedEx, Davon Harp ng Red Bull at ang bagitong si Angelo "Long" David ng Talk N Text. Ang nasabing mga player ay pinatawan ng pansamantalang suspensiyon ng PSC.
Sinabi ni Ebdane na dismayado siya sa pagiging positibo sa paggamit ng illegal na droga ng mga nabanggit na PBA stars dahil iniidolo ang mga ito ng mga kabataan.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Executive Director General Anselmo Avenido Jr. na handa silang ipagamit ang kanilang rehabilitation center para sa nasabing mga PBA player na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot dahil naniniwala siyang malaki ang maitutulong ng kanilang ahensiya para gumaling ang mga ito.
Gayunman ayon kay Avenido ay wala pa silang natatanggap na opisyal na kahilingan mula sa PBA para isailalim sa rehabilitasyon ang naturang manlalaro.
Idinagdag pa ni Avenido na handa silang sampahan ng kasong kriminal ang nasabing mga player kapag nahuli nila ang mga ito sa aktong nagda-drugs. (Ulat ni Joy Cantos)