Ito ang mariing idineklara kahapon ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos na tila mabahag ang buntot sa walang puknat na "punitive operations" na inilunsad ng tropa ng militar laban sa kanilang mga kasamahan na itinuturong sangkot sa serye ng paghahasik ng terorismo sa rehiyon ng Mindanao.
Inihayag ni MILF Vice Chairman for Political Affairs Ghadzali Jaafar ang pagsuspinde ng kanilang military operations laban sa tropa ng pamahalaan sa loob ng 10 araw simula sa Hunyo 2. Ang hakbang ay bilang pagtalima umano sa panawagan ng mamamayan at Catholic Bishops conference of the Philippines (CBCP) na itigil na ang labanan sa Mindanao upang mabigyang daan ang kapayapaan at pag-unlad ng rehiyon na labis na naapektuhan ng digmaan.
Ayon kay Jaafar, aprubado na ng kanilang samahan ang Suspension of Military Operations (SOMO) at handa nilang ipatupad ang 10 araw na tigil-putukan na naglalayon ring maipagpatuloy ang naudlot na peace talks.
"Nasa gobyerno na ang desisyon kung magpapatuloy pa rin ang military operations laban sa aming grupo (MILF)," sabi ni Jaafar.
Itinanggi rin ng MILF na inaatake nila ang mga sibilyan bilang buwelta sa tuwing binabanatan sila ng tropa ng militar at sinabing nagkataon lamang umano na may naiipit na sibilyan sa mga pagkakataong nagkakasagupa ang AFP at kanilang grupo. Tiwala naman ang MILF na magiging positibo ang reaksiyon ng pamahalaan sa kanilang deklarasyon ng ceasefire.
Pangmatagalan o permanenteng kapayapaan at hindi 10 araw na unilateral ceasefire lamang ang ibig mangyari ng administrasyon.
Kasalukuyang bineberipika ng pamahalaan kung tapat at may kakayahan ang liderato ng MILF sa implementasyon ng ceasefire at kung susunod dito ang mga tauhan ng grupong rebelde.
Bagaman may alok na ceasefire, ipagpapatuloy ng pamahalaan ang normal na pagmamatyag ng militar at pulisya para sa seguridad ng mamamayan.
Iginiit pa ni Reyes na tungkulin lamang ng militar na ipagtanggol ang mamamayan mula sa mga elementong kriminal.
Sa kasalukuyan ay tuloy pa rin ang inilunsad na military operations o selective bombardment at artillery assault gayundin ang aerial assault laban sa mga rebeldeng MILF at kung mahinto lamang ito ay depende na sa magiging desisyon ng Pangulo.
Ito ang sinabi kahapon ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers kaugnay sa biglang paghahayag kahapon ni MILF Vice Chairman for Political Affairs Ghadzali Jaafar na ititigil nila ang pakikipaglaban sa militar sa loob ng 10 araw .
Ayon sa kongresista, posibleng nagpapalakas lamang ng puwersa ang MILF at muli na namang aatake sa sandaling itigil ng AFP ang pagtugis sa kanila.
Sinabi ni Barbers na dapat pa ring ituloy ang offensive position ng AFP hanggat hindi isinusuko ng MILF ang mga miyembro nilang responsable sa mga pambobomba sa Mindanao. (Ulat nina Joy Cantos at Malou Escudero)