Sa report na nakarating kahapon kay National Disaster Coordinating Council (NDCC) executive director ret. Major Melchor Rosales, kinilala ang mga nasawing sina Juan Ibanez, 2-anyos na nalunod sa Bayugo, Meycauyan, Bulacan kahapon bandang alas-10 ng umaga; Catherine Molina, 18 anyos at dalawang buwang buntis na natabunan ng lupa sa landslide sa Itogon, Benguet; Arthur Sinogat, 40, at Virgie Salud, 47, na nabagsakan ng puno ang sinasakyan nilang owner-type jeep sa Sta. Barbara, Pangasinan kahapon ng alas-8:30 ng umaga; Jefferson Llagas, 7 buwang sanggol at Angelica Llagas na namatay naman sa naganap na landslide sa Brgy. Dolores, Taytay, Rizal kamakalawa.
Dalawa rin ang nasugatan sa landslide na sina Imelda Llagas, 21, ina ng mga nasawi at Ana Fe Calingan, 4. Kapwa sila nakaratay ngayon sa Taytay Emergency Hospital.
Isa pang sugatan ay si Alvin de Leon, 35, na kritikal ang kondisyon. Kasama niya sina Sinogat at Salud sa jeep.
Tatlo pang sugatan ay sina Benedict Generosa, 25; Maritess Terry, 19 at Jerry Terry, 24, pawang empleyado ng DENR sa Benguet.
Kaugnay nito, dalawang bahay na malapit sa creek sa Taytay, Rizal ang tuluyang napinsala habang tatlong iba pa ang bahagyang napinsala.
Lima katao naman ang nasagip ng mga rescue personnel mula sa tuluyang kapahamakan matapos na umakyat hanggang 6 talampakan ang taas ng tubig-baha sa Sto. Nino Leyte shrine sa Diliman, Quezon City.
Umabot naman sa 610 pamilya ang apektado ng malawakang pagbaha sa Valenzuela City, habang isinara naman ang Tumana bridge sa Marikina City simula alas-10:30 ng gabi nitong Lunes matapos na tumaas sa 13.9 metro ang water level.
Samantala, mahigpit na binabantayan ang mga ilog ng Sinocalin, Tarlac at Camiling sa hilaga at gitnang Luzon.
Sa sandaling umapaw ang tubig sa Sinocalin river ay tiyak na maaapektuhan ang mga mababang lugar ng Sta. Barbara, Calasiao, Dagupan City at Urdaneta City sa Pangasinan.
Malaki naman ang banta ng pag-apaw ng tubig sa Tarlac at Camiling river sa mga mababang lugar sa Camiling, San Celemente, Sta. Ignacio, Moncada, Gerona, Paniqui ar Tarlac City sa lalawigan ng Tarlac.
Nabatid na unti-unti nang tumataas ang tubig sa tatlong nabanggit na ilog kaya inalerto ng NDCC ang mga pamilyang naninirahan dito.
Pinakagrabeng tinamaan ng bagyong Chedeng ang lalawigan ng Bulacan matapos na lumubog sa isa hanggang apat na talampakang tubig-baha ang may 22 barangay sa apat na bayan ng lalawigan - Marilao, Meycauayan, Balagtas at Obando.
Sa report ng NDCC, inilikas ang daan-daang pamilya na naninirahan sa mga lugar na ito.
Ilang commuters din ang na-stranded sa mga lansangan dahil hindi na bumiyahe ang mga pampasaherong sasakyan.
Apektado ng baha ang mga lugar sa Maynila, Makati City, Pasay City, Quezon City, Taguig, Pateros, Muntinlupa, Las Piñas, Mandaluyong, Pasig City, habang mataas ang tubig sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela.
Ipinag-utos na ni NDCC Chairman at Defense Secretary Angelo Reyes ang pagdidispatsa ng mga military trucks at watercrafts para tumulong sa rescue at relief operations sa mga residenteng naapektuhan ng bagyo,
Naka-standby rin ang mga fire trucks, ambulansiya at medical teams ng AFP para tumulong sa mga sinalanta ng bagyo. (Ulat nina Joy Cantos at Angie dela Cruz)