Sa isinagawang bail hearing, hindi pumayag ang korte na makalabas pansamantala ng kulungan si Strunk dahil sa bigat ng kanyang kaso sa Pilipinas.
Ikinatuwiran ng korte na hindi naman malala ang sakit na diabetes ni Strunk para siya ay pagbigyan na makapagpiyansa.
Dahil dito, mananatili si Strunk sa Orange County Jail habang dinidinig ang kaso nito.
Itinakda naman sa mga susunod na linggo ang pagdinig sa kaso ni Strunk sa US habang pinag-aaralan pa rin ang apela ng abogado nito na pansamantalang mapalaya ito.
Iginiit ng abogado ni Strunk na walang sapat na basehan at ebidensiya laban sa kanyang kliyente hinggil sa karumal-dumal na pagpatay sa asawang si Nida kaya marapat lamang na pahintulutang pansamantalang makalabas sa kulungan.
Nakipag-ugnayan na si DOJ Undersec. Merceditas Guttierez sa US-DOJ para pormal na makapagsagawa ng mabilis na extradition laban kay Strunk.
Sa loob ng 60-araw ay inaasahang maibabalik si Strunk sa bansa upang harapin ang kanyang kaso matapos ang extradition proceedings.
Si Strunk ay dinakip ng US marshalls sa kanyang hideout sa California noong Mayo 13 bunsod ng kahilingan ng DOJ noong Abril 12 na dakpin ito. (Ulat nina Ellen Fernando at Grace dela Cruz)