Bukas pa lang malalaman ng Department of Health (DOH) kung tuluyang buburahin ng World Health Organization (WHO) ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang apektado ng Severe Acute Respiratory Syndrome o SARS. Sa panayam kay Dra. Consorcia Lim-Quizon, officer-in-charge ng Epidemiologist Center ng DOH, kahapon pa lamang nagpulong ang kanilang pamunuan kasama ang mga kinatawan ng WHO upang talakayin ang estado ng Pilipinas.
Malakas ang paniwala na napigilan ng DOH ang pagkalat ng nakamamatay na sakit kaya kalmante ang pamunuan na tuluyan nang madedeklarang SARS-free ang bansa.
Gayunman, sinabi ni Quizon na nagpadala pa rin ng liham ang DOH sa main officer ng WHO sa Geneva, Switzerland upang siyang makapag-reclassify sa estado ng Pilipinas hinggil sa sitwasyon ng SARS dito.
(Ulat ni Jhay Mejias)