Erap kumuha ng mga bagong abogado

Kumuha kahapon ng mga bagong tagapagtanggol si dating Pangulong Estrada sa pamumuno ni Atty. Alan Paguia, isang Ateneo law professor at awtor ng librong "Estrada V. Arroyo Rule of Law or Rule of Force."

Ayon kay Chief Special Prosecutor Dennis Villa-ignacio, ang pagkuha ng mga pribadong abogado ni Estrada ay pagpapahiwatig na bumalik na ang tiwala nito sa justice system ng bansa.

Taliwas naman ito sa sinasabi ni Atty. Raymund Fortun, spokesman ni Estrada, na hindi na interesado ang dating pangulo sa legal process ng kanyang kaso. Kasamang kinuha ni Estrada ang serbisyo nina Attys. Alex Bansil at Derrick Lu.

Sa motion ni Paguia na inihain kahapon sa Special Division ng Sandiganbayan, iginiit nito sa anti-graft court na idismis ang mga kasong nakasampa sa dating pangulo dahil sa kawalan ng jurisdiction.

Sinabi ni Paguia na si Estrada pa rin ang "duly elected president" ng Pilipinas at ilegal ang ginawang pag-agaw sa kanya ng kapangyarihan ni Pangulong Arroyo.

Ayon pa sa omnibus motion ni Paguia, hindi nagbitiw sa kanyang tungkulin si Estrada at isang pagyurak sa code of judicial conduct ang ginawang pagsipot ng mga Supreme Court Justices sa EDSA 2 kung saan iniluklok sa puwesto si Arroyo.

Hihilingin naman nina Villa-ignacio sa korte na bigyan sila ng sapat na panahon upang magbigay ng comment sa inihaing mosyon ni Paguia.

Dahil kumuha na ng mga private lawyers si Estrada ay aalisin na ng anti-graft court ang mga abogado ng gobyerno na pansamantalang ibinigay sa kanya upang magtanggol sa mga kasong kinakaharap sa Sandiganbayan. (Ulat ni Malou Escudero)

Show comments