P1-B reward system sinuportahan ni Lacson

Sinuportahan kahapon ni Senador Panfilo Lacson ang P1 bilyong reward system ni Pangulong Arroyo upang tuluyang masugpo ang paglaganap ng ipinagbabawal na droga sa bansa at mahuli ang mga drug lords.

Sinabi ni Lacson, ang P1 bilyong pondo na nagmumula sa kikitain ng Philippine Charity Sweepstakes-Lotto ay malaki ang magagawa upang tuluyang mahuli ang mga drug lords at drug pushers.

Gumagastos sa kasalukuyan ang pamahalaan ng P2.5 milyon kada buwan bilang operational fund upang tugisin ang mga malalaking sindikato ng droga sa bansa.

Aniya, matapos magkaroon ng karagdagang pondo ang Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) na kanyang iginiit noong budget deliberations ay wala ng dahilan ang nasabing ahensya upang tuparin na maging drug-free ang bansa pagdating sa 2010.

Iginiit pa ni Lacson kay PDEA Usec. Anselmo Avenido na sundin lamang nito ang nakasaad sa batas at tugisin ang mga tunay na drug lords at huwag pabayaan mahaluan ng pulitika ang kanilang trabaho dahil makakaapekto ito sa kanilang operasyon. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments