Dahil dito, hiniling ng mga Overseas Filipino workers (OFWs) ang pamamagitan ni Pangulong Arroyo para ihinto ng The Filipino Channel ang paghahatid ng balita tungkol dito.
Sa pahayag ni Danilo Nodalo, tagapagsalita ng grupo ng mga Pilipinong manggagawa sa Riyadh, sa pamamagitan ng kanyang pagtawag sa telepono at pag-text kay Ed Verzola, anchorman ng programang "Takbo ng Panahon" ng Radyo Pilipinas, isang overseas network station ng government owned Philippine Broadcasting Service, nanganganib ngayon ang buhay ng mga OFWs sa KSA dahil sa balitang ipinalabas ng The Filipino Channel (TFC) doon.
"Sa ngalan ng nakararaming Pilipino dito sa KSA, pigilin ninyo Pangulong Arroyo ang pagbulgar ng radyo at telebisyon ang tungkol sa Pilipinong inalok ng terorista na may kinalaman sa bombing sa Riyadh," panawagan ni Nodalo.
Masama umano ang naging resulta ng pagbabalita ng TFC dahil tumatanggap ang mga OFWs ng mga pagmumura, panlalait at banta sa kanilang buhay hindi lamang sa mga Arabo kundi mismo sa mga kapwa nila dayuhan doon sa hinalang maraming kontak na Pilipino ang mga teroristang nakabase sa Saudi.
Tumawag din kay Verzola ang isang Dr. Ric ng King Faizal Medical Center sa Riyadh, Robert M ng Taif, Emmie mula sa Al Abha, Aleyah; Rashid ng Jeddah, Tony at Mandy Roxas ng Buraydah at marami pang tagapakinig ng Radyo Pilipinas na kinokondena ang masamang dulot na balita mula sa TFC.
Anila, narinig at napanood na rin nila sa ibat ibang himpilan ng radyo at telebisyon sa KSA ang masamang balita na nag-amba ngayon ng malaking panganib sa kanila.
Masasakit na salita umano ang kanilang tinatanggap tulad ng "firibin, mafi kuwaiz; firibin, haram at firibin criminals" na ang ibig sabihin ay masasama ang mga Pilipino at mga kriminal.
"Dapat ay ipinagbigay-alam na lang nila (TFC) nang palihim ang impormasyon sa may kapangyarihan at itinago muna ang Pilipino para sa paglutas ng bombing sa Riyadh," giit ng mga OFWs.
Maaalala na kamakailan ay pinasabog ng mga teroristang grupo ang mga gusaling tirahan ng mga dayuhan mula sa Amerika at Britanya na ikinamatay ng 30 katao kabilang ang tatlong OFWs.
Ilang araw matapos ito ay nakapanayam ng isang reporter ng dzMM ang isang umuwing OFW na nagsabing may apat kataong nag-alok sa kanya ng malaking halaga para taniman ng bomba ang mga sumabog na gusali. Sa tindi umano ng kanyang takot ay minabuti nitong umuwi na lamang sa Pilipinas bagaman hindi pa tapos ang kanyang kontrata.
Ang nasabing balita ay agad namang kinopya ng mga dayuhang mamamahayag at mabilis na iniulat sa kanilang balitaan.
Samantala, kumilos na ang Embahada ng Pilipinas sa Riyadh at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para mapabilis ang proseso ng pag-uwi sa mga labi ng mga Pilipinong nasawi sa pambobomba sa Riyadh na sina Getulio Templo, Rogelio Pababero at Serafin Hernandez. (Ulat ni Ellen Fernando)