Palengke binomba: 13 patay, 24 grabe

Tila naghahamon talaga ang mga teroristang grupo sa pamahalaan ni Pangulong Arroyo makaraang muling magpasabog ng bomba sa pamilihang bayan sa Koronadal City, South Cotabato na ikinasawi ng labing-tatlong sibilyan at ikinasugat naman ng malubha ng 24 iba pa kahapon ng hapon.

Pansamantalang hindi nabatid ang mga pangalan ng nasawi at nasugatan dahil mabilis na isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital.

Sinabi ni Lt. Col. Daniel Lucero, hepe ng Armed Forces Public Information Office, naitala ang pangyayari dakong alas-3:30 ng hapon sa harap ng naturang palengke na ang itaas ay opisina ng National Bureau of Investigation (NBI).

Isang package na ang laman ay bomba ang iniwan umano sa isang nakaparadang tricycle. Agad na napuruhan ang limang sibilyan dahil mismong sa harapan nila sumabog ang itinanim na bomba. Ang walo ay namatay habang ginagamot. Samantala, ang 24 naman ay tinamaan ng shrapnel.

Agad namang nagresponde ang pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar para mangalap ng pira-pirasong naiwan ng bomba na ang ginamit ay bala ng 81 mm mortar.

Hinihinalang kabilang sa mga nasawi ang suspected bomber.

Dalawang oras pagkaraan, isa pang bomba na handa na ring sumabog ang natagpuan sa harap ng fire station malapit sa palengke. Agad itong na-detonate ng police bomb squad dahil sa maagap na pagre-report ng mga residente.

Sinisilip naman kung may kaugnayan ang paghahasik ng terorismo ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front at Abu Sayyaf.

Ayon sa militar, ang MILF lamang ang may ganoong klase ng mortar-bombs.

"It is not the handiwork of the MILF because we do not attack civilians," pahayag naman ni MILF spokesman Eid Kabalu ng magsalita ito sa DXMS radio sa Cotabato City. (Ulat ni Angie Dela Cruz)

Show comments